SA kabila ng hatol ng husgado na i-abswelto si dating Senador Leila De Lima sa unang dalawang kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) mahigit anim na taon na ang nakaraan, nanindigan si Secretary Crispin Remulla na hindi babawiin ng DOJ Prosecution Office ang ikatlo at huling asunto sa Muntinlupa Regional Trial Court.
“Maganda ‘yan ang ‘di lang maganda dito maraming nagko-comment na may political motive kagaya ng Amnesty International. ‘Di naman natin kailangan pakinggan may sarili silang agenda na nakikialam sila sa bansa natin ‘di naman sila kailangan dito,” pahayag ni Remulla.
Paglilinaw ni Remulla, iginagalang ng DOJ ang hatol ng korte kaugnay ng pagbabasura ng kaso laban sa De Lima. Gayunpaman, sinabi ng Kalihim na ang acquittal ay hindi nangangahulugang walang sala si De Lima – kundi dahil sa hindi matibay ang isinumiteng ebidensya laban sa dating senador.
“Kaya may tinatawag na reasonable doubt, may pagdududa ang guilt nya kung puro o hindi. Basta kapag may reasonable doubt reason, to acquit ‘yan, pero ‘di nangangahulungang walang kasalanan talaga. ‘Yun talaga ang batas para fair,” aniya.
“Ang sabi namin iwan nyo sa hustisya, sa judiciary. Ang judge na po may hawak nyan ‘di na po namin kontrolado ‘yan,” dagdag pa ng Kalihim.
Samantala, inaasahan naman ng kampo ni De Lima na pagbibigyan ng ng korte ang petition for bail na inihain ng kanilang abogado.