SANIB-PWERSA ang Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang kaayusan at kapayapaan sa isasagawang kilos-protesta kontra korapsyon, kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution bukas Pebrero 25.
Ayon kay Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, tinalakay na ng PNP at DOJ kung saan ipoposisyon ang mga pulis at kung anong mga lugar ang kailangan bantayan.
“The DOJ through its prosecutors will be on standby to assist law enforcement for the conduct of Inquest , if necessary,” wika ni Martinez
Sa hangarin tiyakin alinsunod sa umiiral na proseso ng batas ang bawat hakbang ng estado, agad na ikakasa ang inquest proceedings upang matukoy ang bisa ng warrantless arrests.
Ilang grupo ang nagpahayag ng plano na magdaos ng ikatlong Trillion Peso March sa Miyerkules upang iprotesta ang katiwalian sa gobyerno, gayundin ang panawagan wakasan ang political dynasties.
Ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), mahigpit na ipapatupad nito ang “no permit, no rally” policy para sa anibersaryo.
Nauna nang sinabi ng NCRPO ang deployment ng 14,000 pulis upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko. (JULIET PACOT)
