ARESTADO ang 16-anyos na binatilyo matapos suntukin at saksakin ang isang estudyanteng galing ng paaralan sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station chief Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz, dakong alas-2:30 ng hapon noong Agosto 1, pauwi na mula sa paaralan ang biktima nang biglang lapitan ng suspek, at sinuntok sa likod ng ulo saka pinagsasaksak.
Mabilis namang nakaiwas ng biktima subalit natamaan din ito ng patalim sa kaliwang kamay.
Nakatakbo ang sugatang biktima at agad na nagsumbong sa kanilang barangay na siya namang nagreport sa pulisya.
Agad na nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng Women and Children Protection Center (WCPC) ng Kamuning Police Station sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) at naaresto ang suspek.
Sinampahan ng kasong Attempted Murder ang suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office at itinurn-over sa Molave Shelter sa Barangay Payatas, Quezon City.
“This arrest serves as a reminder that under the law, minors aged 15 above are not automatically exempt from criminal liability, especially if it is proven that they acted with discernment. Accountability must be upheld to ensure justice for the victims and the safety of the community,” pahayag ni QCPD chief Col. Randy Glenn Silvio. (LILY REYES)
