Ni LILY REYES
KARAPATAN ng bawat nagsipagtapos na estudyante – kesehodang bakla, tomboy o iba pang kasarian ang makibahagi ng graduation ceremony ng mga paaralan, ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Belmonte mga graduating high school o college students sa lungsod na hindi pinahintulutan magmartsa suot ang kanilang march in gender-affirming attire.
Sa temang “Graduation Rights: March with Pride in QC,” target ni Belmonte idaos ang hiwalay ng graduation rites ng mga miyembro ng LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer or questioning, intersex, asexual, and more) community kasabay ng ika-85 anibersaryo ng lungsod sa Hunyo 22.
Pag-amin ng alkalde, may mga nakarating na sumbong sa kanyang tanggapan kaugnay ng mga paaralan na tumanggi padaluhin ang ilang estudyanteng miyembro ng LGBTQIA+ community kung hindi isusuot ang dress code ng paaralan.
Gayunpaman, nanindigan si Belmonte sa aniya’y hagayang pagsuway ng mga paaralan sa “gender-responsive policy” ng Department of Education (DepEd).
“Graduation rites are everyone’s rights, regardless of expression. In Quezon City, you have the right to express your truth, no matter your SOGIE,” pahayag ng alkalde.
Panawagan ni Belmonte sa mga hindi nakadalo sa graduation sa anumang dahilan, magparehistro sa kanyang tanggapan para sa katuparan ng pangarap na martsang patunay ng ibinuhos na dedikasyon sa edukasyon.
