Ni LILY REYES
HINDI pa man ganap na humuhupa ang kontrobersiya kaugnay ng dalawang miyembro ng PNP-Special Action Force na sinibak matapos mabistong suma-sideline bilang bodyguard ng isang Chinese national sa likod ng POGO, timbog naman ang tandem ng sundalo at pulis na rumaraket na escort sa isang negosyante.
Gayunpaman, hindi muna pinangalanan ni PNP Highway Patrol Group chief Brig Gen. Jay Cumigad ang PNP personnel at sundalong huli sa aktong sakay ng motorsiklo habang ume-escort sa Toyota Alphard minivan sa panulukan ng Diokno Avenue at ASEANA City sa lungsod ng Parañaque.
Paglilinaw ng nag-aalimpuyong sa galit na heneral, hindi bahagi ng PNP-HPG ang 45-anyos na sarhento at 57-taong gulang na dating sundalong kapwa nakasuot ng uniporme ng highway patrol.
Sa paghaharap ni Cumigad at ng dalawang pekeng HPG, galit na sinabon ang mga tinawag niyang perwisyo sa lipunan – “Hindi ka na nakakatulong, nakaka perwisyo ka pa.”
Una nang sinabi ni HPG-NCR chief Col. Neil Francia na ginagamit ng di pinangalanang pulis at sundalo ang uniporme ng highway patrol para hindi maipit sa mabigat na daloy ng trapiko ang pribadong indibidwal na pinaglilingkuran.
Nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal at administratibo ang pulis at dating sundalo.
Hindi naman nagawang tukuyin ang amo ng dalawang kalaboso matapos kumaripas palayo sa hudyat ng mga upahang escort.
