SA hangaring isulong ang modernisasyon sa larangan ng public transportation, nakatakdang ikasa ng ng Department of Transportation (DOTr) mga panuntunan sa mga napipintong “privatization” ng bus lane sa kahabaan ng EDSA.
Gayunpaman, inamin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na kailangan pa mjuna tapusin ng DOTr ang pagbalangkas ng terms of reference sa bago isalang sa bidding ang privatization ng EDSA bus lane.
“We are now preparing the terms of reference for the privatization of the EDSA busway, Mayroon tayong consultant na gumagawa na ng terms of reference and hopefully siguro sa second quarter ay matatapos na ito, ipapa-bid po natin ito,” wika ni Bautista sa ginanap na Bagong Pilipinas public briefing.
Bahagi aniya ng privatization plan ang pagsasaayos ng sistemang katulad ng ginagawa sa ibang bansa kung saan tampok ang electronic schedules sa mga pick-up area ng EDSA bus lane para alam ng mga commuter ang oras ng dating ng mga bus.
“Ang kailangan parang nasa ibang bansa tayo, malalaman natin kung anong oras darating iyong susunod na sasakyan, even iyong mga pasahero they can use an app para alam nila kung kailan sila dapat dumating doon sa mga stations,” dagdag ni Bautista.
Ang EDSA busway ay inilaan ng gobyerno para sa mga pampublikong bus bilang bahagi ng rapid transit system sa layuning mabawasan ang problema ng traffic sa EDSA.
