
MATAPOS ang 18 taon, napasakamay na ng pulisya ang pangunahing suspek sa pagpaslang noong 2007 kay Ruby Rose Barrameda, ang kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda.
Positibong kinilala ng aktres si Lope Jimenez na tiyuhin ng asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III.
Pag-amin ng Philippine National Police (PNP), aksidente lang ang pagdakip sa prime suspect sa likod ng Ruby Rose murder case.
Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) si Lope Jimenez sa Mandaluyong City para sa ibang kaso ng kidnapping and murder na may pagkakatulad sa pagpaslang kay Ruby Rose.
Taong 2007 nang paslangin si Ruby Rose na isinilid sa drum at saka ibinaon sa isang bakanteng lote sa loob ng Buena Suerte Jimenez Fishing and Trading Co., na pag-aari ni Lope Jimenez. (Lily Reyes)