
NI ITOH SON
HINDI nakalusot sa mga alistong operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na nagpanggap na Pilipino para makapasok sa bansa.
Sa isang kalatas ng NBI, kinilala ang 43-anyos na suspek sa pangalang Wang Xiujun alyas Cassia Palma Poliquit. Dinakma ang Chinese national sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Hulyo 13.
Bago pa man dumating sa bansa, inamin ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na nakasubaybay na ang mga operatiba sa pagdating ni Wang lulan ng Air Asia flight mula sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nabisto ang pagpapanggap ni Wang matapos isalang sa fingerprint examination ng NBI. Lumalabas sa resulta ng pagsusuri ng NBI na isang tao lang sina Wang at Poliquit.
Inaasahan naman agad na ipapadeport ng gobyerno ang inarestong Chinese national.