USAP-USAPAN na sa hanay ng mga Kalihim sa iba’t ibang departamento ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik-loob ng Pilipinas sa International Criminal Court, ayon kay Secretary Ma. Theresa Lazaro ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Gayunpaman, nilinaw ni Lazaro na wala pang seryosong hakbang kaugnay ng umano’y muling pagsapi ng bansa sa ICC. Wala pa rin aniyang inilalabas na direktiba ang Pangulo.
“There’s no movement as far as cascading to the Department of Foreign Affairs, I’m sure there had been discussions with other agencies like the Department of Justice,” wika ni Lazaro.
Buwan ng Hunyo nang maglabas ng posisyon si Marcos. Aniya, hindi siya tutol na muling pag-usapan ang pagbabalik ng Pilipinas sa ICC makaraang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute bunsod ng imbestigasyon ng ICC sa madugong giyera kontra droga.
Sa kabila ng pagkalas, nagawa pa rin ng ICC igiit ang hurisdiksiyon sa umano’y extrajudicial killings na naganap bago pa man ganap na humiwalay ang Pilipinas sa Rome Statute.
Kasalukuyang nakapiit si Duterte sa The Hague, Netherlands para sa kasong crimes against humanity na isinampa ng pamilya ng mga biktima ng madugong giyera kontra droga.
