NI EDWIN MORENO
MATAPOS idawit ang 12 pulis sa kaso ng missing sabungero, tuluyan nang hinubaran ng whistleblower na si Julie Patidongan ang mga pulis na “tagatumba” ni gaming tycoon Charlie “Atong” Ang.
Sa isang press briefing sa punong tanggapan ng National Police Commission (Napolcom), kinilala ni Patidongan ang mga pulis na sangkot umano sa pamamaslang sa mga nawawalang sabungero.
Partikular na tinukoy ang apat na mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) – retired General Jonnel Estomo, Colonel Jacinto Malinao Jr., Lt. Col. Ryan Jay Orapa, at Major Mark Philip Almedilla.
Pasok din sa talaang iniligwak ng whistleblower sina Police Executive Master Sargeant Aaron Cabilan, Police Chief Master Sargeant Arturo Dela Cruz Jr., Police Staff Master Anderson Arbale, Police Staff Master Sergeant Joey Encarnacion, Police Staff Master Sergeant Mark Manrique, Police Master Sergeant Renan Fulgencio, Police Staff Sergeant Alfredo Andres, Police Staff Sergeant Edmon Muñoz, Police Corporal Angel Joseph Martin.
Ayon kay Patidongan, si Estomo General Jonnel Estomo na umano’y miyembro ng Alpha Group ang nagrekomenda kay Ang na ipatumba ang mga missing sabungero. Maging siya aniya ay nais din ipatumba ng retiradong heneral.
Paglalahad ng whistleblower, ginamit ang mga pulis sa pagdukot at pagpatay sa mga taong bahagi ng dayaan sa mga palarong sabong ni Ang.
“Itong mga pulis na ito sila yung kumukuha ng mga missing sabungero galing sa farm, sila ang nagdadala doon sa Taal Lake yung marami ‘yan sila actually ‘di ko lang mapangalanan dahil kilalang-kilala naman ‘yan sila sa mukha,” ani Patidongan.
Ayon naman kay Napolcom Vice Chairman Atty. Rafael Calinisan, reklamong grave misconduct at conduct of unbecoming ang kakaharaping kaso ng mga nasabing pulis kung saan ang pinakamababang parusa nito ay suspension at demotion hanggang sa dismissal sa serbisyo.
Samantala, kinumpirma naman ni Philippine National Police chief General Nicolas Torre III na may mga nakuhang buto ng tao at iba pang buto na pinaniniwalaang mula sa hayop sa pagsisid ng mga diver sa Taal Lake.
Isinailalim na aniya sa forensic examination sa Camp Crame ang mga nakuhang buto.
Itinanggi naman ni Ang ang mga alegasyon ng dating katiwala.
