HINDI dapat hayaan ng pamahalaan tuluyang matuyo ang dam na pinagkukunan ng tubig para sa mga negosyo at kabahayan sa National Capital Region (NCR), giit ng isang kongresista kaugnay ng napipintong kakapusan ng supply sa tubig dulot ng El Niño.
Mungkahi ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, cloud-seeding sa ibabaw ng Angat sa Norzagaray, Bulacan matapos lumabas ang anunsyo hinggil sa mababang antas ng tubig na nakaimbak sa naturang dam.
“Wag na siguro nating antayin na magrasyon na ng tubig dito sa Metro Manila dahil wala ng tubig ang Angat”, ani Tulfo.
Para kay Tulfo, mas angkop na tugon ang pag-iwas sa aniya’y nakaambang problema – “ginagawa naman natin ito kapag kailangan ng tubig sa mga dam na mababa na ang water level kahit hindi naman El Niño”.
“Mas maganda mag-cloud seeding na habang may mga ulap pa sa ibabaw ng Angat”, dagdag pa ng mambabatas.
Panawagan naman ni ACT-CIS 2nd Cong. Jocelyn Tulfo na magtulungan na ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of National Defense (DND) para maumpisahan na ang cloud seeding program.
“I believe galing sa DOST ‘yung chemicals para ikalat sa mga ulap at ang DND naman ang nagpo-provide ng eroplano na galing sa Philippine Air Force”, aniya.
Gayunpaman, hindi kumbinsido ang mga dalubhasa mula sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) na magiging epektibo ang cloud seeding para punan ang mababang lebel ng tubig sa ilang dam na nagsu-supply sa Metro Manila.
“Maganda sanang solusyon ‘yung cloud seeding, ang (concern) lang natin kung may magandang shock cloud na pwedeng paggamitan (ng cloud seeds). As of now malinis ang kaulapan natin. ‘Yung target area rin na Metro Manila, kailangan din doon bumagsak ‘yung ulan,” paliwanag ni PAGASA hydrologist Sonia Serrano.