WALA pang nakikitang senyales ng pagbaba sa presyo ng bigas sa merkado, batay sa pag-aaral ng isang grupo ng magsasakang Pinoy.
Ayon kay Rosendo So na tumatayong chairman ng grupong Samahang Industriya ng Magsasaka (Sinag), posibleng sa panahon pa ng anihan ng palay na karaniwang nangyayari pagpasok ng buwan ng Nobyembre o Disyembre pa mag-umpisa bumaba ang presyo ng bigas.
“Ngayon mataas ang presyo ng palay kasi wala tayong harvest. Nagtatanim pa ang mga magsasaka natin,” ani So.
Base sa mga datos ng nakalap ng Sinag, nasa P40 kada kilo ang presyo ng pinakamurang presyo ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila, kabilang ang Kamuning Public Market sa Quezon City.
Simula sa Lunes, Hulyo 10, magbebenta naman ang non-government organization na Philippine Rice Industry Stakeholders Movement sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan – ng P38 kada kilo na bigas sa buong bansa.
Kahit mura, well-milled umano ang naturang bigas.
“Sa P38 po, ito po ay subsidy na po namin at gusto po namin itong itawid hanggang po magkaroon po tayo ng harvest time pagdating po ng October,” ani Grains Retailers’ Confederation of the Philippines Inc. spokesperson Orlando Manuntag.
