
MULA sa air-conditioned detention center sa Batasan, ipinag-utos ng quad comm ang paglilipat sa kontrobersyal na Police Col. Hector Grijaldo sa maliit, siksikan at mabahong selda sa himpilan ng pulisya.
Sa utos ng quad committee, pinatawan ng contempt citation si Grijaldo dahil sa umano’y patuloy na kawalan ng respeto sa joint panel na nag-iimbestiga sa kalakalan ng droga, illegal POGO at extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Dahil nakapiit na bunsod ng unang contempt citation. Minabuti ng quad comm na ipakulong ang police official sa selda ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6 hindi kalayuan sa Batasan Complex.
Naging tensyonado ang pagdinig ng mega-panel sa pagsalang kay Grijaldo nang talakayin ang naging pahayag ng koronel sa pagdinig ng Senado kung saan hayagan pinaratangan ng panggigipit umano sa kanya nina quad comm co-chairs Reps. Dan Fernandez (Santa Rosa City) at Bienvenido Abante Jr. (Manila, 6th District) para lamang kumpirmahin ang nabistong ‘reward system’ sa bloody war on drugs ng dating Duterte administration.
Sa pagtatanong ni quad comm vice chair Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop kay Grijaldo sa kanyang alegasyon kina Fernandez at Abante, paulit-ulit na sinalag ng police colonel ang ang mga katanungan gamit ang linyang “right against self-incrimination.”
Dito na naghain ng mosyon si Acop na i-contempt ulit si Grijaldo dahil sa paglabag sa Section 11, Paragraph C ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Sinunod naman isinulong ni quad comm co-chair Abang Lingkod partylist Rep. Joseph Stephen Paduano ang mosyon na dalhin sa QCPD Station 6 detention cell si Grijaldo, sa halip na manatili sa kustodiya ng Kamara.
Sa testimonya ni Grijaldo sa senado, inakusahan si Fernandez ng pamimilit umanong kumpirmahin sa pagdinig ng quad comm ang supplemental affidavit ni retired Police Colonel at former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma.
Kapwa itinanggi nina Fernandez at Abante ang mga ibinunyag ni Grijaldo. Anila, “lies of the highest level” ang sinabi ng PNP official.
Samantala, maging si quad comm lead Chair at Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ay nairita sa pagtanggi ni Grijaldo na sagutin ang mga tanong na ipinukol niya kay Grijaldo.
“The resource person is out of order, and let it be on record that he is continuously disrespecting this committee by refusing to answer appropriately,” pahayag ni Barbers.
“Noong nasa Senado ka ang tapang-tapang mo eh. Bakit dito ayaw mo? Magtapang ka rito. Ipakita mo yung the same candor, the same tapang na pinakita mo doon,” anang Mindanaoan lawmaker.
“This committee is not some made-up body. It was sanctioned by the Constitution and approved by more than 300 members of Congress who have the mandate of the people. Kaya huwag mong bastusin ito,” gigil na pagtatapos ng kongresista. (Romeo Allan Butuyan II)