
HINDI angkop ang padalos-dalos na desisyon ng pamahalaan sa mga usaping direktang apektado ang mga mamamayan, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay ng mungkahi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagtutulak ng modified work schedule sa mga tanggapan ng gobyerno sa kabisera.
Sa isang ambush interview, nagpahayag ng suporta si Marcos sa mga inisyatibang magbibigay-solusyon sa lumalalang traffic congestion sa National Capital Region.
Gayunpaman, nilinaw ng Pangulo na kailangan muna pulsuhan ang sentimyento at posisyon ang publiko sa isinusulong na mas maagang pasok at pag-uwi ng mga kawani sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala ng MMDA, sisimulan sa hudyat ng alas 7:00 ng umaga ang pasok at alas 4:00 ng hapon naman ang labasan sa opisina.
Bukas rin aniya ang pamahalaan sa iba pang suhestiyon sa ikalulutas ng usad-pagong na galaw ng mga sasakyan sa Metro Manila.
Sakali umanong pumayag ang mas nakararami, wala aniyang dahilan para hindi niya suportahan ang inisyatiba ng MMDA.
“So, if it turns out that everyone agrees to it, then I cannot see why it will be a problem,” pahabol ng Pangulo.