PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang groundbreaking ceremony para sa makabagong San Nicolas Health Center sa ikatlong distrito ng lungsod.
Sa isang kalatas, binigyang-halaga ni Moreno ang pagdalo sa groundbreaking ng proyekto para personal na inspeksyunin ang lumang pasilidad na una nang isinailalim sa technical assessment bago pa man ang tinawag niyang full development.
Garantiya ng alkalde, may sapat ng pananalapi ang lokal na pamahalaan para tustusan ang proyektong naglalayong itaas ang antas ng serbisyong pangkalusugan sa San Nicolas at mga kalapit na komunidad sa ikatlong distrito ng lungsod.
Pagtitiyak ni Moreno, itatayo ang pasilidad na may reception area, consultation room, minor surgery room, botika, medical technology room at dental office batay sa inaprubahang disenyo.
Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na ang disenyo ay dadaan pa rin sa validation at standards ng Department of Health (DOH) bago ipatupad ang proyekto.
Dumalo rin sa aktibidad ang OIC City Health Officer, mga konsehal, mga kawani ng health center at mga barangay health at nutrition workers. (JULIET PACOT)
