ISANG araw matapos magpatupad ng big-time oil price hike, sumipa naman ang dagdag-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) lines 1 at 2.
Batay sa pinagtibay na pasya ng Rail Regulatory Unit (RRU) ng Department of Transportation (DOTr), ipatutupad sa ikalawang araw ng Agosto ang pagtataas sa P13.29 ang boarding fee sa mga tren ng LRT mula sa dating P11.
Bukod sa bording fee, kasabay din ipapataw ng pamunuan ng LRT Lines 1 at 2 ang P1.21 dagdag singil ang mga pasahero sa kada kilometro ng byahe.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) na nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, P15 na ang minimum fare para sa single journey ticket habang P14 naman ang minimum fare para sa Store Value Cards (SVCs).
Para sa LRT Line 2, papalo na sa P33 ang pasahe (mula sa dating P28) sa mga diretesuhang byahe mula Recto Station hanggang Masinag Station sa lungsod ng Antipolo.
Una nang ipinaliwanag ng DOTr na ang pagpapataw ng dagdag-pasahe ay naglalayong makalikom ng sapat ng pondo para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng LRT.
Napapanahon na rin, ayon sa DOTr ang implementasyon ng dagdag-pasaheng inaprubahan noon pang taong 2015.
Pagtitiyak ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2, mananatili ang 20% diskwento sa pamasahe sa mga pasaherong senior citizen, person with disability (PWD) at mga mag-aaral.
Karagdagang Balita
PROTOCOL PLATE NG SUV SA EDSA BUS LANE PEKE?
PNP NA-WOW MALI SA ERMITA ILLEGAL POGO RAID?
PRICE CONTROL HIRIT SA BENTAHAN NG ISDA