BINANGONAN, Rizal – Para kay Mayor Cesar Ynares, hindi sapat na ang may-ari at kapitan lang ng lumubog na bangka ang kasuhan kaugnay ng trahedyang kumitil sa 27 kataong lulan ng tumaob na bangka sa Laguna de Bay malapit sa Barangay Kalinawan.
Giit ni Ynares, nararapat din panagutin ang Philippine Coast Guard (PCG) na paulit-ulit na aniyang pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan na bantayan at huwag pahintulutan maglayag ang mga overloading na sasakyang dagat.
“We already warned them not to allow overloading in their passenger boats because it is dangerous, but they still did it,” wika ni Ynares sa isang panayam sa radyo.
Batay sa salaysay ng mga nakaligtas sa pagtaob ng MB Aya Express (hindi MB Princess Aya tulad ng mga naunang ulat) na nagsakay ng 70 pasahero – malayo sa kapasidad na 42 katao.
Sa 70 lulan ng MB Aya Express, 27 ang kumpirmadong patay habang 43 naman ang pinalad na makaligtas – kabilang si Mar delos Reyes.
Kwento ni delos Reyes, isang kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumungo sa Barangay Kalinawan para magsagawa ng census sa mga may-ari at operator ng mga fishcage sa Laguna de Bay, napansin na niya ang mga pagkukulang sa MB Aya Empress bago pa man pumalaot.
Bukod siksikan, kabilang di umano sa mga napansin niya ang kawalan ng live vest sa naturang bangka. Kapuna-puna din aniya ang patuloy na pagpapasakay ng pasahero ng mga tripulante ng bangka pagkatapos magsumite ng manifesto sa nakatalagang PCG personnel.
Hindi pa aniya nakakalayo sa Kalinawan Port ang MB Aya Express, hinampas ng malakas na hangin ang bangkang balot ng lonang gamit bilang panangga sa pag-ulan.
Wala din umano siyang nakitang PCG personnel sa Kalinawan Port nang maglayag ang MB Aya Express.
Batay sa kanyang nasaksihan, marami sa mga nalunod ang nahirapan umahon dahil sa mga nakatalukbong na lona sa kanila.
Una rin umano sumaklolo ang mga residente ng Barangay Kalinawan – taliwas giit ng PCG na sila ang unang rumesponde.