MATAPOS magpasaring ang isang kongresista kaugnay ng tinatamasang pribilehiyo ng mga preso sa New Bilibid Prisons (NBP), nanindigan ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na karapatan ng bilanggo ang bumili ng kursunadang pagkain mula sa labas ng piitan gamit ang online delivery application.
Gayunpaman, nilinaw ni BuCor chief Gen. Gregorio Catapang na mahigpit pa rin ipinagbabawal ang pagkakaroon ng cellphone sa loob ng bilibid at ang tanging paraan aniya ng mga bilanggo ay makipag-ugnayan sa NBP personnel para magamit ang mga laptop na gamit ng kawanihan sa pagpapatupad sa e-dalaw.
Pagtitiyak ni Catapang, lahat ng idedeliber na order ay babagsak sa outpost ng NBP para sa inspeksyon (bago ipasok at ibigay sa umorder na preso) sa hangaring siguraduhin walang makakalusot sa kontrabando.
Para kay Catapang, walang ilegal sa pribilehiyong nagbibigay-laya sa mga preso na umorder ng pagkain sa labas ng bilibid kasabay ng pasok sa Mandela prison reform rules ang naturang karapatan.
Ang NBP na meron lang kapasidad para sa 6,000 preso ay tahanan ng mahigit 30,000 bilanggo.