HINDI angkop na patagalin ang mga proyektong magbibigay ginhawa sa mga mamamayan, ayon kay Senador Grace Poe kasabay ng panawagan sa Department of Transportation (DOTr) na madaliin na ang pagkumpleto sa MRT-7 para sa daan-daang libong pasahero.
Sa nalalapit ng pagsasaayos ng EDSA, binigyang diin ni Poe ang bentahe ng MRT-7 na magsisilbing alternatibo sa mga pasahero.
Bukod sa ginhawa sa hanay ng mga mananakay, malaking bentahe rin aniya sa layon ng pamahalaan solusyonan ang mabigat na daloy ng trapiko kung mababawasan ang mga sasakyan sa lansangan.
“Everyone in Metro Manila is waiting to get on board. We hope the MRT-7 project will soon be a reality,” wika ni Poe na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Finance.
Sa pagtataya ng DOTr, kakain lang ng 35 minuto ang biyahe ng tren ng MRT-7 mula North Avenue (Quezon City) hanggang sa San Jose del Monte (Bulacan).
BAtay sa disenyo ng proyekto, 14 na istasyon ang babagtasin ng biyahe. Inaasahan naman ganap na matatapos ang MRT-7 sa susunod na taon.
“Malaking ginhawa ang ihahatid nito sa publiko dahil hindi na nila bubunuuin ang matinding trapik sa Commonwealth Avenue at magiging komportable at mabilis pa ang biyahe ng mga pasahero,” anang senador.
“Sabi nga ng meme tungkol sa ating trains sa Facebook, ‘Papasok kang estudyante, lalabas kang mandirigma.’ Sana may katapusan naman ang paghihirap ng ating mga commuter,” pagtatapos ni Poe. (ESTONG REYES)
