HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, binulaga agad ng bulilyaso ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) bunsod reklamong pangongotong sa mga dayuhang dinakip sa ikinasang operasyon kontra illegal POGO.
Sa kalatas ni PNP chief Gen. Rommel Marbil, sinampolan sina NCRPO director Major Gen. Sydney Hernia at PNP Anti-Cybercrime Group Director PNP-ACG Director P/ Major Gen. Ronnie Francis Cariaga.
Gayunpaman, nilinaw ng PNP na hindi tuluyang sisibakin sina Hernia at Cariaga na pinatawan lang ng 10-araw na pagliban bilang hepe ng kani-kanilang posisyon sa pampbansang pulisya.
Sa isang press briefing, partikular na tinukoy ni PNP spokesperson Brig. Jean Fajardo ang bulilyasong naganap sa anti-illegal POGO operation sa Century Peak Tower kamakailan sa Ermita , Maynila.
Paglilinaw ni Fajardo, tanging layon ng 10-araw na preventive suspension kina Hernia at Cariaga ang maiwasan mabahiran ng duda ang imbestigasyon ng pambansang pulisya sa reklamong extortion na inihain ng isa sa mga inarestong Chinese national sa illegal POGO operation.
Alegasyon ng dayuhang Tsino, pilit umano siyang pinasusuka ng mga pulis ng isang milyong piso kapalit ang kalayaan at garantiyang hindi madadawit sa kaso.
Itinanggi na ni Hernia ang paratang — “It’s absurd and unfounded.”
Habang suspendido si Hernia, gaganap na acting NCRPO chief si Brig Gen. Reynaldo.
Oktubre 29 nang salakayin ng NCRPO ang tinaguriang “Mother of All POGO hubs” sa Century Peak Tower sa lungsod ng Maynila.
Sibak din sa pwesto ang tatlong iba pang PNP-ACG personnel na nagtakip sa lente ng CCTV sa sinalakay ika-23 palapag ng nasabing hotel.
