
SA lawak ng pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyo, apektado pati ang presyo ng mga gulay sa merkado.
Sa price monitoring ng consumer group na Pinoy Ako sa mga pribado at pampublikong pamilihan sa Metro Manila, halos dumoble na ang presyo ng mga gulay tulad ng carrots, kamatis, ampalaya, talong, bitsuelas, sibuyas, bawang at iba pang karaniwang iniluluwas sa Maynila mula sa mga lalawigan sa hilagang bahagi ng bansa.
Sa datos ng grupo, lumalabas na P120 kada kilo ang bentahan ng carrots na dating lang binebenta sa halagang P80. Nasa P120 naman ang presyo kada kilo ng kamatis mula sa dating P50, habang P150 na ang kada kilo ng talong mula sa dating P80.
Hindi rin nakalusot sa pagsirit ng [presyo ang ampalaya na binebenta na sa halagang P150 kada kilo mula sa dating P70. Nasa P130 kada kilo ang bentahan ng bitsuelas mula sa dating P60.
Bukod sa mga konsyumer, umaaray na rin ang mga tindero. Anila, pahirapan ang pagbebenta ng mga gulay dahil na rin sa taas ng presyo. Kaya ang kanilang solusyon — ibagsak presyo na lang kahit bahagyang malugi kesa tuluyang mabulok.