Ni LILY REYES
BINALOT ng sugat ang buong katawan ng isang 20-anyos na estudyante matapos makipagbuno sa riding-in-tandem na nagtangka di umanong agawin ang bitbit na bag sa Anonas, Quezon City.
Bukod sa mga galos na dulot ng pagkakaladkad ng motor, nagtamo rin ng sugat sa ulo ang college student kinilala lamang sa pangalang Romy.
Kwento ng biktima, naglalakad na siya pauwi dakong alas 9:30 sa Barangay Quirino 2-B nang hintuan ng riding-in-tandem sabay tutok ng baril at pilit na inagaw ang bitbit na bag kung saan nakalagay ang kanyang cellphone at hindi natukoy na halaga ng pera.
Gayunpaman, tumanggi ang biktima na bitawan ang bag, dahilan para kaladkarin ng mga holdaper na sakay ng motorsiklo.
Dito na umano siya sinuntok sa sikmura at hampasin ng baril sa ulo saka isinalya ng isa sa mga suspek na mabilis na tumakas pero bigong makuha ang bag ng biktima.
Hindi naplakan ng estudyante ang motor na ginamit ng mga holdaper na pareho di umanong nakasuot ng helmet.
Inaalam ng mga awtoridad kung may CCTV sa lugar na pinangyarihan sa pag-asang makakatulong na matunton ang mga kawatan.
