
SA dami ng bugok na pulis, bilang lang ang natatanggal sa serbisyo dahil sa umano’y aregluhan ng mga kaso sa tulong ng mga gahamang tao sa loob mismo ng National Police Commission (Napolcom).
Para gibain ang balakid sa isinusulong na paglilinis sa hanay ng kapulisan, ikinasa ng Philippine National Police (PNP) ang operasyon laban sa mga pinaniniwalaang fixer sa loob ng Napolcom.
Ang resulta – arestado ang isang logistics personnel mula sa punong tanggapan ng Napolcom.
Sa kalatas ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), timbog sa entrapment operation sa Camp Crame ang hindi pinangalanang Napolcom personnel sa akto ng pagtanggap ng pera kapalit ng “paghilot” sa kasong administratibo ng isang dating police major.
Samantala, inamin ni Napolcom Commissioner Ralph Calinisan na may iba pang reklamo laban sa inarestong empleyado – bukod pa sa limang iba pang Napolcom personnel na sumasailalim sa imbestigasyon ng komisyon.