SADYANG sinunog ang Manila Central Post Office sa Lawton, ayon isang kritiko ng administrasyong Marcos.
“Sino nagsunog sa Post Office na isang national historical building? Baka may ipapatayong condominium dyan, mag rally tayo,” patutsada ni dating Commission on Elections Commissioner at P3PWD partylist nominee Rowena Guanzon.
Sa pagtataya ng Bureau of Fire Protection (BFP), papalo sa P300 milyon ang naiwang pinsala matapos tupukin ng apoy ang gusali ng Manila Centra Post Office sa Plaza Lawton dakong hatinggabi noong araw ng Linggo.
Pito rin ang naitalang nasaktan sa insidenteng umabot sa general alarm.
Usap-usapan sa social media ang di umano’y plano ng pamahalaan na isapribado ang mga pag-aari ng gobyerno sa hangaring makalikom ng salapi para sa Maharlika Investment Fund na isinusulong mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Kabilang sa matunog na interesado sa lupang kinatitirikan ng makasaysayang gusali ang Sino Group na nagmamay-ari ng Fullerton Hotel sa bansang Singapore.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.