SWAK sa bilibid ang isang empleyado ng Tri City Medical Center sa Pasig City matapos mapatunayang “guilty” pekeng hemodialysis claim sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong taong 2019.
Sa 20-pahinang desisyon ng Pasig Regional Trial Court, hinatulan ng 138 taong pagkabilanggo sa pambansang piitan si Svend Agodilos Rances para sa 46 kaso ng falsification of public documents.
Bukod sa 138 taon sa bilangguan, pinatawan rin ni Judge Judge Jesusa Lapuz-Gaudino ng Pasig RTC Branch 153 si Rances ng P50,000 sa kada kaso.
Samantala, inabswelto naman ng husgado ang mga akusadong doktor at staff ng Tri City Medical Center na idinawit ni Rances.
Batay sa rekord ng korte, nag-ugat ang kaso matapos maghain ng reklamo si Dr. Gjay Ordinal, presidente ng TriHDCare Inc. na humahawak sa operasyon ng hemodialysis unit ng Tricity Medical Center.
Sa testimonya ni Ordinal, pineke di umano ni Rances ang Claim Signature Form, PhilHealth Benefit Eligibility Form, at ang Statement of Account, at nagpasok ng false claims sa PhilHealth para sa pagpapagamot umano ng 12 dating pasyente.
