Ni LILY REYES
MATAPOS magtala ng 48 panibagong kaso ng karamdamang bunsod ng kagat ng lamok, agad na idineklara ng lokal na pamahalaan bilang “dengue hotspot” ang 12 barangay sa Quezon City.
Sa kalatas ng Quezon City Health Office (QCHO), kabilang sa mga barangay na pasok sa kategorya bilang “dengue hotspot” ang Lourdes, San Isidro Labrador, Sta. Teresita, Batasan Hills, Bagumbayan, Blue Ridge B, Libis, St. Ignatius, Baesa, Sangandaan, Talipapa, at Tandang Sora.
Bagamat walang datos sa kabuuang bilang ng mga pasyenteng nagpositibo sa dengue ngayong taon, sinabi ng QCHO na karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay mga batang edad 10 pababa.
Sa daos ng Department of Health (DOH), tumaas ng 33% ang mga kaso ng dengue sa buong bansa ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2023.
Paglilinaw ng kagawaran, patuloy pa ang pangangalap ng datos lalo pa’t marami anilang lumubog sa baha bunsod ng hagupit ng bagyong Carina noong nakalipas na buwan.
Panawagan ng DOH sa mga mamamayan, iwasan mag-imbak ng tubig na anila’y pinamamahayan ng lamok.
