NI LILY REYES
KINUMPIRMA ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) ang pagtatala ng panibagong kumpirmadong kaso ng monkeypox (mpox) — ang ika-anim sa lungsod.
Sa datos ng CESD, isang 31-anyos na lalaki ang nakitaan ng sintomas noong Oktubre 18 matapos na bumisita sa Fahrenheit Club (F Club) noong Oktubre 5, na una nang ipinasara ng Quezon City Business Permits and Licensing Department (BPLD).
Ipinasara ang nasabing establisyemento matapos tumanggi makipagtulungan sa contact tracing team na umano’y isang paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern Act.
Gayunpaman, muling nakatanggap ang BPLD ng bagong aplikasyon sa ilalim ng pangalang “F.I.N.E Wellness bar and F.I.N.E spa,” subalit nadiskubreng pareho lang pala ang address at pasilidad ng aplikante sa nagsarang F Club.
Tiniyak naman ng pamahalaang lungsod na hindi na makakapag-operate pa ang nasabing establisyemento hangga’t hindi sumusunod sa regulasyon ng lokal na pamahalaan.
Samantala, para tuluyang masugpo ang pagkalat pa ng mpox virus, magsasagawa ang lungsod ng isang forum sa mga spa, wellness, at entertainment establishments ngayong linggo.
Tatalakayin ng CESD ang mga protocol sa mpox, habang muling ipapaliwanag ng BPLD ang mga permit at dokumento na dapat sundin sa mga negosyo.
