TAMA si Senador Sherwin Gatchalian nang kanyang itanggi na sa kanya ang puting Cadillac Escalade na may protocol plate number 7 na tumakas matapos sitahin ng mga traffic enforcers bunsod ng paggamit ng EDSA Carousel lane na para lang sa mga pampasadang bus.
Gayunpaman, lumalabas sa rekord ng Land Transportation Office (LTO) na kabilang ang pamilya Gatchalian sa mga nagmamay-ari ng Orient Pacific Corporation na nakatalang may-ari ng nasabing sasakyan.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza, sumuko na rin ang drayber ng Cadillac Escalade na sinasabing muntik nang makahagip sa dalawang traffic enforcers na sumita sa kanila habang binabaybay ang EDSA bus lane noong Nobyembre 3.
Kinilala ang drayber sa pangalang Angelo Edpan.
“Ako po ay nagkasala sa paglabag sa regulasyon na pumasok po ako sa EDSA Busway… ako po ay humihingi ng pasensya… hindi ko po nais makasakit sa enforcer na pumara sa akin,” wika ni Edpan.
Sa isang bukod na pahayag, humingi naman ng dispensa si Omar Guinomla na tumatayong miyembro ng board of directors ng Orient Pacific Corporation, kasabay ng pangakong makikipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
Nang tanungin si Guinomla kung paano, saan at kanino nagmula ang protocol plante number 7 na nakasabit sa naturang sasakyan, iwas-pusoy ang opisyal ng naturang kumpanya.
Aniya, meron nang isinasagawang imbestigasyon ang Orient Pacific Corporation.
Paglilinaw ng LTO, wala maski isang incumbent senator ang may Cadillac Escalade na nakarehistro sa 23 mambabatas ng mataas na kapulungan.
Nananatili naman tikom ang bibig ni Atty. Maria Julieta Santos na tumatayong abogado ng Orient Pacific Corporation.
“Right now, we are not authorized to divulge their names due to their rights also, privacy,” ani Santos sa isang pulong-balitaan.
