PAGKATAPOS ng programang libreng-sakay at dagdag-budget sa mga maralitang tagalungsod, nakatakda naman kalingain ng Manila City government ang mga panaderyang nakabase sa lungsod.
Sa isang kalatas, inanunsyo ni Mayor Isko Moreno ang pagsisimula ng distribusyon ng pinansyal na tulong para sa mga lokal na panaderya sa Maynila.
Ayon kay Moreno, layon ng lokal na pamahalaan tulungan hindi lamang operasyon ng mga panaderya kundi pati mga mamimili.
Sa ilalim ng naturang inisyatiba, bibigyan ng tig-P25,000 ang bawat panaderyang kalahok sa programa bilang tugon na rin sa kinakaharap na krisis sa enerhiya bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Paglilinaw ng alkalde, may kalakip na probisyon sa ilalim ng programa — walang magaganap na pagtaas sa presyo ng binebentang tinapay (kabilang ang pandesal) sa lungsod ng Maynila sa susunod na 30 araw.
