SA ikalawang pagkakataon, muling nabigo makakuha ng fuel subsidy ang mga tsuper ng mga pampasaherong jeep sa lungsod ng Maynila.
Ang dahilan — wala pa rin sila sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Himutok ng mga tsuper, kumpleto naman umano ang kanilang ipinasang rekisitos na hinihingi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at DSWD, sa paggabay ng kani-kanilang asosasyon.
Pero pagdating umano nila sa covered court ng Barangay 377 na itinakdang lugar para sa payout ng subsidiya, hindi pa rin umano lumabas sa talaan ng kani-kanilang pangalan.
Gayunpaman, hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang nasa mahigit 100 tsuper na nagpalista sa help desk ng DSWD. Ang tugon ng naturang ahensya, maghintay ng panibagong abiso kung makakasama sa listahan at kung saan at kailan ang susunod na payout.
Sa unang payout na isinagawa sa Maynila, nasa 670 jeepney driver ang nakalista pero umuwing luhaan.
