
DALAWANG linggo matapos ang ‘sagupaan’ sa pagitan ni Senador Cynthia Villar at ng mga residente mula sa BF Resort Village sa lungsod ng Las Pinas, naglabas ng desisyon ang Court of Appeals kaugnay ng polisiya ng mga homeowners association (HOA).
Ayon sa CA, ibinasura ang desisyon ng Human Settlements Adjudication Commission (HSAC), kasabay ng giit na karapatan ng mga residente ng BF Homes exclusive subdivision sa lungsod ng Paranaque na magpasya at pangasiwaan ang pagpasok ng mga motorista sa anila’y ‘exclusive subdivision.’
Buwan ng Oktubre ng nakaraang taon nang maglabas ng direktiba ang HSAC sa BF Federation of Homeowners’ Associations Inc. (BFFHAI) na buksan ang exclusive subdivision sa publiko.
Partikular na tinukoy ng HSAC ang pagbubukas ng mga gate sa Aguirre Avenue, Elizalde street, El Grande Avenue, Concha Cruz street at Tropical street.
Giit ng HSAC, pasok na sa kategorya ng public road ang mga kalsada ng BF Homes matapos ang ‘reclassification’ ng naturang subdivision bilang commercial.
Gayunpaman, nanindigan ang CA laban sa giit ng HSAC.
“The Supreme Court ruling in 2007 did not declare them as public roads,” ayon sa CA.
Karapatan din anila ng BFFHAI na mangolekta sa private road users fee, batay sa umiiral na Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Association.