Ni LILY REYES
KALABOSO ang 22-anyos na kasambahay nang limasin ang mga mamahaling relo sa bahay ng pinagsisilbihang amo sa Quezon City..
Agad namang naaresto ng mga security guard ng White Plains Subdivision na sina Sevandal Fidel at Ramil Barojabo Gerayllo ang suspek na kinilala lang sa pangalang Jaharra, dalaga, kasambahay, at nakatira sa Tigbauan Malibog, Southern Leyte.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 11:00 ng gabi (August 16), nang matuklasan ng 65-anyos na si Arthur Torres, residente ng White Plains Subdivision na nawawala ang kanyang mga koleksyon na relong Rolex sa vault na nasa loob ng silid.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Erwin Jay Mendez ng Eastwood Police Station (PS-12) ng QCPD, noong Hulyo 26, lumabas ng bansa ang pamilya Torres para magbakasyon – na sinamantala naman ng kasambahay para nakawan ang kanyang amo.
Agad namang inamin ng kasambahay sa pulisya na siya ang kumuha ng mga mamahaling relo at binigay niya sa isang babae sa Caltex Gas Station sa Katipunan malapit sa White Plains Avenue, sa Brgy. White Plains, sa naturang lungsod.
Hindi naman idinetalye ng suspek kung sino ang sinasabing babae at kung bakit niya binigay ang mga mamahaling relo ng kanyang amo. Inihahanda na ang kasong theft laban sa kasambahay.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung sino ang pinag bigyan ng rolex na relo ng kasambahay.
