Ni LILY REYES
HINDI na pwedeng ismolin ang hanay ng mga security guards sa bansa sa sandaling ipatupad ang plano ng Philippine National Police (PNP) na gamitin sa intelligence gathering operation ang nasa mahigit 500,000 guwardiya sa iba’t ibang pribadong establisyemento sa Pilipinas.
Sa isang kalatas, binigyang halaga ni PNP Civil Security Group (CSG) Director Police Maj. General Edgar Allan Okubo ang kakayahan ng mga security guard bilang force-multiplier na pwede aniyang magsilbing mata at tainga ng kapulisan laban sa mga kriminal at banta sa pambansang seguridad.
Gayunpaman, nilinaw ni Okubo na kailangan muna isailaim sa basic training on intelligence gathering ang mga security guard.
Bilang panimula, nasa 61 guwardiya ang lumahok sa seminar sa Basic Information Collection and Analysis for Private Security Agencies para sa binabalangkas na intelligence network para sa Metro Manila.
Panawagan ni Okubo sa iba pang security agencies, makipag-tulungan sa PNP sa pamamagitan ng regular na pagsusumite ng mga Intel report sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA).
