ONE down, more to go. Ito marahil ang nasa isip ng kampo ni former Negros Oriental Rep. Arnie Teves matapos paboran ng Manila Regional Trial Court ang inihaing demurrer to evidence kaugnay ng Dungog murder case.
Sa desisyon ng Manila RTC Branch 15, bigo umano ang prosekusyon magkaroon at maitaguyod ang ‘prima facie case’ kung kaya’t ‘acquitted’ sa kaso si Teves.
“The acquittal of former Congressman Arnolfo Teves of the crime of murder by the Regional Trial Court, Branch 15 of Manila is a vivid demonstration that the cases filed against Mr. Teves are nothing but harassment suits meant to persecute a political opponent,” wika ni Atty. Ferdinand Topacio na tumatayong abogado ng dating kongresista.
Gayunpaman, nilinaw ng Department of Justice na mananatili pa rin sa kulungan si Teves na nahaharap pa sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal — kabilang ang Pamplona Massacre kung saan siyam na indibidwal kabilang ang noo’y Negros Oriental Gov. Roel Degamo, ang pinaslang ng armadong grupo.
Paglilinaw ng ahensya, wala pang natatanggap na official order ang DOJ mula sa korte. (JULIET PACOT)
