PANSAMANTALANG sarado ang dalawang pampublikong paaralan sa bayan ng Pateros matapos suspindihin ng lokal na pamahalaan ang face-to-face classes bunsod banta sa seguridad.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng lokal na pamahalaan ang suspensyon sa klase sa Pateros National High School at Pateros Elementary School matapos makatanggap ng umano’y bomb threat.
Giit ng lokal na pamahalaan, higit na matimbang ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at mga empleyado ng eskwelahan.
Panawagan sa mga residente ng naturang munisipalidad — manatiling kalmado, sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at iwasang magpakalat ng anumang impormasyon na hindi beripikado.
Gayunpaman, nilinaw ng pamunuan ng mga nabanggit na paaralan na patuloy ang pag-aaral sa bisa ng Alternative Delivery Mode of Learning o online classes, alinsunod sa direktiba ng Department of Education–Schools Division Office of Taguig and Pateros.
