DEAD on the spot ang 57-anyos na lola matapos na masagasaan at pumailalim sa gulong ng bus nang habulin ng driver ang stoplight sa Quezon City Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Erlinda Linay Aguilar, walang asawa, at nakatira sa Escopa IV, Quezon City.
Agad namang inaresto ang suspek na si alyas Siguerra, walang asawa, 51-taong gulang, at residente ng Don Bosco St., Better Living Subd., Parañaque City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, bandang 6:00 ng gabi (December 7), nang maganap ang aksidente sa P. Tuazon kanto ng J.P Rizal, sa Brgy. Marilag, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon, nasa kalagitnaan ng pedestrian lane ang matanda nang biglang kumaliwa ang Daewoo Truck Bus na minamaneho ni Siguerra sa intersection, at nasalpok ang biktima.
Kwento ni Brgy. Marilag responder Danilo Gapas, hinahabol umano ng bus driver ang stoplight kaya di napansin na may tumawid na matanda.
Agad namang rumesponde ang mga barangay tanod upang tumulong sa pagkuha ng bangkay ng matanda sa ilalim ng gulong ng bus na umabot ng dalawang oras.
Nakapiit na ang driver ng bus sa Quezon City Traffic Sector 3, at inamin na hindi niya nakita ang matandang tumatawid kaya niya nasagasaan.
“Wala po akong napansin na may tumatawid na mga tao. Malinis po yung kalsada nung time na yun. Naramdaman ko lang may kumalabog sa likuran…Tumigil po ako,” pahayag ng driver.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa bus driver. (Lily Reyes)