
SA gitna ng hindi maawat na pagtaas sa presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan, inihayag ni Department of Agriculture (DA) ang napipintong pagbebenta ng pangunahing pagkain ng mga Pinoy sa mga MRT at LRT stations.
Ang presyo — P40 kada kilo.
“We saw that there are a lot of commuters in these stations… We have considered the foot traffic and accessibility in choosing the stations,” wika ni Assistant Secretary Genevieve Guevarra.
Kabilang sa mga istasyon kung saan target magtayo ng Kadiwa ng Pangulo stalls ang North Avenue station ng MRT-3 at Monumento station ng LRT-1.
Ayon pa kay Guevarra, bukod sa North Avenue at Monumento stations, inirekomenda rin ng Department of Transportation ang Guadalupe station ng MRT-3, Taft Avenue station ng LRT-1 at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para lagyan ng maliit na pwesto kung saan pwede aniyang bilhin ang murang bigas sa bisa ng programang Rice-For-All ng kagawaran.
Inaasahan naman sisipa na rin ang bentahan ng P40 kada kilong bigas sa mga palengke.
“Currently, we are coordinating with the following major markets in NCR for the rollout: Kamuning Market, Malabon Central Market, New Las Piñas City Public Market, Pasay City Public Market, Balintawak Market, Cartimar Market, Pateros Grace Marketplace, Maypajo Public Market, Paco Market,” dugtong ni Guevarra.