PATAY ang 68-anyos na lolo matapos pagsasaksakin ng kapitbahay sa loob mismo ng sariling tahanan sa Quezon City,  Martes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si alyas “Saluta,” 68 taong gulang, may asawa habang nakatakas naman ang suspek na si alyas “Lim,” 46-anyos, may asawa, kapwa residente ng Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa report  ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas 2:00 ng hapon nitong Miyerkules (Oktubre 6), nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang tahanan sa nasabing barangay.

Batay sa imbestigasyon nina Sarhento Bennette Stephen Lladoc at Raymark Paligutan, naliligo sa sariling dugo ang biktima nang datnan sa bahay ng asawa.

Agad naman isinugod 68-anyos na lolo sa Rosario Maclang Hospital kung saan idineklarang “dead on arrival” ang biktima bunsod ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa pagsusuri sa kuha ng CCTV sa lugar, nakita si Lim na pumasok sa bahay ng biktima. Ilang saglit pa, dali-daling lumabas ang armadong suspek — na may bahid pa ng dugo sa damit— para tumakas sakay ng motorsiklo sa direksyon ng Commonwealth Avenue.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen habang tinutugis pa ang nakatakas na salarin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *