Ni LILY REYES
HINDI umubra ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pangungulit ng mga tsuper at operators na apektado ng Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP).
Sa isang kalatas, kinumpirma ng LTFRB ang paglalabas ng Board Resolution No. 53 na nagbibigay pahintulot sa mga traditional jeepney units para makabiyahe kahit hindi umabot sa itinakdang deadline para sa consolidation.
Gayunpaman, nilinaw ng LTFRB na limitado lang ang pahintulot sa mga ruta kung saan kapos ang pampublikong sasakyan.
Sa panig ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), nanindigan ang pinuno ng naturang transport group na ang desisyon ng LTFRB ay isang patunay na tagumpay ang serye ng welga at protesta ng mga apektadong sektor.
“Ito po ay tagumpay. Tagumpay po ito ng serye ng ating mga rally at welga lalo na noong welga noong April, April 29, 30 at May 1,” wika ni Mody Floranda na tumatayong Pangulo ng grupong PISTON.
Nakasaad sa isang bahagi LTFRB Board Resolution No. 53 Series of 2024 na ang mga unconsolidated PUVs pwede pa rin pumasada kahit hindi na maghain ng aplikasyon sa consolidation sa kondisyong aprubado ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) at Route Rationalization Plan (RRP).
Pinagtibay ang naturang resolusyon noong Abril 30 bilang tugon sa tatlong araw na tigil pasada ng public transport sector laban sa PUVMP.
