Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Grace Poe, walang silbi sa sektor ng persons with disability (PWD) ang matarik na rampang pinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Philam Station EDSA Busway sa Quezon City.
“Sa halip na makatulong sa ating mga PWD na sumasakay sa bus, magiging buwis-buhay pa ang paggamit ng ramp na ito ng MMDA sa EDSA Busway,” pahayag ni Poe.
Pag-amin ng senador, sadyang kapos ang Metro Manila sa mga pasilidad na angkop para sa mga PWDs. Gayunpaman, hindi naman dapat angkop ang mga proyektong di man lang dumaan sa wastong pag-aaral.
“Kulang na kulang na tayo sa PWD-friendly facilities. Pero hindi ito dahilan para hindi pag-isipang mabuti ang mga ginagawang proyekto,” dugtong ng mambabatas.
Panawagan ni Poe sa MMDA, ayusin muna ang kontrobersyal na rampa bago pa man may PWD na maaksidente.
Tugon ng MMDA, may height restriction ang Metro Rail Transit (MRT) na dapat sundin. Yun din anila ang dahilan kung bakit hindi pumantay ang elevator sa footbridge.
Bagamat hindi angkop para sa mga taong may kapansanan, naninindigan ang pamunuan ng MMDA na malaking bentahe sa mga buntis at senior citizens ang ginawang rampa.
