KUNG hindi pa binatikos, hindi pa marahil gagalaw ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa palpak na rampa para sa mga persons with disability (PWD).
Sa isang kalatas, kinumpirma ng MMDA na pansamantalang sarado muna ang wheelchair ramp sa EDSA-Philam station ng EDSA Busway sa Quezon City.
Ayon kay MMDA acting chairman Romando Artes, aayusin muna ng ahensya ang rampang lalagyan wheelchair lift para maging kapaki-pakinabang sa sektor ng mga taong may kapansanan.
“Sa amin po kasing observation, wala halos gumagamit ng bus carousel na naka-wheelchair. Buti na lang na-criticize din po kami kaya napag-isipan naman po kung paano ia-address ang issue,” wika ni Artes.
Katunayan aniya, sumipa na kahapon (Sabado) ang pagkukumpuni sa naturang istruktura. Inaasahan naman matatapos ang proyekto sa loob ng dalawang buwan.
“In the meantime, isasara po muna namin habang ginagawa. Maghahagdan muna po ang ating mga kababayan,” paliwanag ng MMDA chief.
Samantala, tinitak din ng MMDA chief na walang gastos ang gobyerno sa pagsasaayos ng proyekto. Ang dahilan – sagot ng kontratista ang pagkukumpuni sa kontrobersyal na wheelchair ramp.
Gayunpaman, nanindigan si Artes na hindi naman masyadong matarik ang wheelchair ramp na nagviral sa social media.
“Yung anggulong nag-viral sa Facebook, mukha siyang slide. Pero kung titingnan niyo po sa other angle niya, hindi naman po siya ganon katarik,” hirit ni Artes.
