SA loob lang ng maghapon, dalawang magkahiwalay na sunog ang naganap sa Quezon City kung saan dalawa ang iniulat na namatay.
Unang tinupok ng apoy ang isang bahay sa Barangay Krus na Ligas pasado alas 2:00 ng madaling araw. Bagamat mabilis na nakaresponde ang Bureau of Fire Protection (BFP), bigo naman maisalba ang mag-inang naipit na naglalagablab na tahanan.
Sa inisyal na ulat ng BFP, patay ang 40-anyos ang ina at 17-anyos na dalagitang anak.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng apoy, ngunit kabilang ang arson sa sinisilip sa ikinasang imbestigasyon batay na rin sa salaysay ng mga saksi.
“Kakaiba po ang sunog na ito, iisang kwarto po siya at merong commotion … nandun ‘yung bata, sinasabing nagsisigaw ng tulong at hindi mabuksan kasi naka-lock po. At later on, siguro mga ilang minuto, nandun na nga, bigla na lang nagkaroon ng apoy at nagkaroon ng sunog doon,” ayon kay Fire Sr. Supt. Aristotle Bañaga.
Sumunod naman nilamon ng apoy dakong alas 4:45 ng hapon ang Araneta Center Bus Terminal sa Barangay Socorro, Cubao.
Ayon sa Quezon City firefighters, nagsimula ang sunog sa barracks ng bus station sa loob mismo ng mataong Araneta City Complex.
Wala naman nasaktan sa sunog na idineklarang fire put bandang alas 8:20 ng gabi. (LILY REYES)