MALAKING bahagi ng Calabarzon at Metro Manila ang binalot ng smog ngayong Bagong Taon, ayon sa Pagasa.
Sa panayam, sinabi ni Pagasaweather specialist Rhea Torres na sa pinakabagong upper-air sounding mula sa kanilang istasyon sa Tanay, Rizal ay nakita ang presensya ng thermal inversion sa himpapawid na nagdulot ng makapal na smog sa ilang lugar mula nitong Linggo ng gabi.
“Dahil ‘yung thermal inversion at the same time, nangyari po ‘yung putukan kumbaga ng pagsalubong natin sa Bagong Taon, mas naging dominant po ‘yung kumbaga usok po na present sa hangin natin,” paliwanag niya.
“Ang nangyari po, ‘yung pollutants or ‘yung components sa drying particles dulot nitong mga paputok, pati na rin po ‘yung polusyon sa ating kapaligiran, ay naghalo-halo at nagsama-sama kaya mas makapal siya compared sa normal na nararanasan nating haze or smog kumbaga gaya po noong mga nakaraang buwan,” dagdag pa niya.
Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na magsuot ng face mask dahil mapanganib sa kalusugan ang “trapped” air pollution at usok mula sa mga paputok.
Mapanganib sa mga may hika, bata at may pneumonia ang smog, ayon sa DOH.