MULING pinatawan ng suspensyon ng Office of the Ombudsman ang alkalde ng bayan ng Gloria sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Sa kalatas ng Ombudsman, anim na buwan hindi makakasweldo si Mayor German Rodegerio na una nang pinatawan ng suspensyon noong buwan ng Mayor ng nakalipas na taon bunsod 127 permit sa operasyon ng Gloria Cockpit Arena (GCA) mula Disyembre 2018 hanggang Nobyembre ng sumunod na taon.
Ayon sa pasya ng nasabing tanggapan, nakitaan ng sapat na ebidensya laban kay Rodegerio kaugnay ng di umano’y irregularidad sa operasyon ng isang sabungan sa nasasakupang bayan.
Ayon kay Assistant Ombudsman Pilarita Lapitan, ang suspensyon laban sa alkalde ay tatagal hanggang sa Hunyo 1 ng kasalukuyang taon.
Nag-ugat ang kaso sa alegasyon nina Vic Ruskin Ong, Wilfredo Condesa, Teotimo Famplume Jr. at Rimando Recalde. Ayon sa mga nagreklamo, pinaboran ni Rodegerio ang GCA sa kabila ng kawalan ng prangkisa.
Kabilang sa mga ebidensyang isinumite sa Ombudsman ang 295 permit para sa operasyon ng GCA mula Disyembre 2017 hanggang Pebrero 2021.
Sagot naman ni Rodegerio, may dati nang permit ang GCA sa ilalim ng mga naunang administrasyon, batay na rin sa mga pinagtibay na resolusyon ng konseho.