PUMALO na sa 509 ang kabuuang bilang ng mga nasaktan bunsod ng paggamit ng mga paputok sa pagsalubong ng bagong taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Paglilinaw ng DOH, inaasahan mas tataas pa ang bilang ng mga sugatan sa sandaling makumpleto ang datos mula sa mga pagamutan at 17 regional offices ng kagawaran.
Sa datos ng kagawaran, 11-buwan gulang na sanggol ang pinakabata sa mga naiulat na nasaktan. Ayon pa sa DOH, nagtamo ng paso sa mukha ang sanggol matapos hindi sinasadyang mahagip ng paputok na piccolo.
Samantala, patuloy naman inoobserbahan sa pagamutan ang 75-anyos na lalaking tinamaan ng kwitis sa kanang mata.
“Karamihan nangyari sa bahay,” ani Health Secretary Ted Herbosa sa isang pulong-balitaan.
Pag-amin ni Herbosa, higit na mas mataas kumpara sa datos ng departamento para sa taong 2022 ang biktima ng mga paputok na karaniwang gamit ng mga Pinoy sa tuwing sasalubong sa bagonng taon.
Sa nasabing bilang, halos kalahati ang naitala sa Metro Manila.