NI LILY REYES
PATAY ang 42-anyos na construction worker matapos malapitang pagbabarilin sa ulo ng di pa nakikilalang lalaki habang “bumabatak” kasama ang tatlong iba pa sa loob ng isang barong-barong sa Quezon City, Martes ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si alyas “Mahinay” na residente ng Barangay North Fairview, Quezon City.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 2:20 kaninang madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ni Sarhento Angel Pascasio III, abala umano sa pot session ang biktima at ang mga kasama niyang kinilala lang sa pangalang Emran, Jeffrey, at Andrew.
Nagulat na lamang umano ang magkakaibigan nang biglang pumasok ang naka helmet na suspek at agad na pinaulanan ng bala sa ulo ang biktima.
Dahil sa takot, agad nagtakbuhan palabas ng barong-barong ang mga kasama ng biktima sa pot session.
Nang matiyak naman na patay na ang biktima ay saka lamang tumakas ang suspek patungo dala ang baril na ginamit sa krimen.
Agad na rumesponde ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) Team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni PCMS Federico Manzano, at sa pagsusuri ay nakitang nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng ulo ng biktima.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng di pa batid na kalibre ng baril, plastic sachet ng shabu, mga drug paraphernalia kabilang ang lighter, aluminum foil strip, at isang gunting.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at kung may kinalaman ba sa onsehan sa droga ang motibo ng pamamaril.
