KALABOSO sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang babae at lalaki na konektado umano sa pamamaslang sa opisyal ng Kongreso noong Hunyo 15 ng kasalukuyang taon.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bandang alas 9:45 ng gabi nang dakmain sa operasyong ikinasa sa panulukan ng Batasan Road at Diamond St. matapos mahulihan ng baril at pampasabog. Nakuha rin sa pag-iingat sa mga suspek ang mga pekeng ID.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang mga suspek ay konektado sa pagpatay kay Director Mauricio Pulhin ng House committee on ways and means sa mismong kaarawan ng kanyang anak na babae sa Barangay Commonwealth sa nabanggit na lungsod.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang Colt MK-4 cal. 9mm pistol na kargado ng anim na bala, isang MK2 fragmentation hand grenade, at mga pekeng ID.
“This operation is a clear demonstration of our commitment to the Chief PNP’s leadership pillar of swift and responsive public service. Through solid intelligence work and determined field action, we were able to apprehend the suspects who posed a serious threat to public safety. The arrest will also put into motion the wheel of justice for the murder victim and his family,” pahayag ni NCRPO Director Major Gen. Anthony Aberin.
Nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso ang mga suspek. (LILY REYES)
