
ISANG foreign airline passenger ang hawak ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency matapos mahulihan ng nasa P56-milyong halaga ng shabu sa isinagawang interdiction operation sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat na ibinahagi ng PDEA at Bureau of Customs , galing na Nigeria ang dayuhan at kumuha ng connecting flight sa Qatar patungo sa Pilipinas dala ang nadiskubreng shabu na tinatayang nasa mahigit walong kilo.
Ayon sa Bureau of Customs , tinangka umano ng Liberian passenger na itago ang shabu nang isama ang mga ito sa package ng mga condiments at dried shrimp para maitago sa K-9 units sa NAIA Terminal 3.
Subalit napansin umano ng mga tauhan ng PDEA, BOC-NAIA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang kahina-hinalang images nang isailalim ang dalawang itim na bag sa regular X-ray scanning machine kasama ang check-in baggage ng ibang pasahero.
Nang buksan ang mga bagahe na naglalaman ng spices at dried shrimp, dito na tumambad ang mga hinihinalang shabu kaya agad na nagsagawa ang mga awtoridad ng field test at nakumpirma itong shabu.
Bukod dito ay nasamsam din ng mga otoridad ang kanyang pasaporte, dalawang boarding passes, isang mobile phone, at isang Customs baggage declaration form.