KASUNOD ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang mas ligtas na bansa, agad na nagpakitang gilas ang mga pulis sa kabisera kung saan hindi bababa sa P7.6-milyong droga ang nasamsam sa loob lang ng isang linggong operasyon.
Bukod sa droga, timbog din sa operasyong ikinasa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 872 indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
“Bawat pag-aresto at bawat pagsamsam ng ilegal na droga ay hakbang para mapanatiling ligtas ang ating mga kalsada at komunidad,” wika ni acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez sa isang pahayag.
Kabilang sa mga dinakip ang 119 most wanted persons at 198 iba pang wanted individuals. Nagsagawa ang NCRPO ng 205 anti-drug operations mula Setyembre 8 hanggang 14, na humantong sa pag-aresto sa 299 indibidwal—kabilang ang isang “high-value” target, at 53 street-level suspects.
Kumpiskado sa mga naturang operasyon ang 1,054 gramo ng shabu, 1,048 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, at 209 gramo ng tinatawag na kush para sa kabuuang P7.6 milyong halaga ng droga.
Pasok din sa mga inaresto ang 295 kataong sinampahan ng kasong may kaugnayan sa illegal gambling. Kapansin-pansin naman na P75,000 lang ang nasamsam na pusta sa mga sugalan.
Nasa 41 naman ang huli rin sa pagdadala ng loose firearms, bukod pa sa 57,821 na lumabag sa lokal na ordinansa tulad ng pag-inom ng alak sa kalsada, paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, at curfew para sa mga menor de edad. (EDWIN MORENO)
