ISANG mambabatas ng Kamara ang nahaharap sa posibleng pagkakulong mula anim hanggang walong taon sakaling mapatunayan may sala ng korte sa kasong cyberlibel na isinampa ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Personal na inihain ni Col. Hector Grijaldo ang reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Manila 6th District Rep. Benny Abante Jr., nitong Huwebes ng umaga.
Nag-ugat ang pagsasampa ng kaso matapos paratangan ni Abante si Grijaldo na isang “killer” sa isang panayam na inilabas sa telebisyon na nakalivestream sa social media.
Sa isang pahayag, pinabulaanan ng koronel ang alegasyon ni Abante, kasabay ng giit na kailanman ay hindi pa siya nasasangkot sa kasong pagpatay.
Kasama ni Grijaldo sa pagsasampa ng kaso si Atty. Jyro Go na tumatayong abogado ng police official.
Oktubre 29 ng kasalukuyang taon nang hayagang bansagan ni Abante si Grijaldo na isa umanong mamamatay tao — “Pilit niya (Abante) ini-impute ang aking kliyente bilang isang killer. Gusto niya palabasin kasali si Col. Grijaldo sa mga extrajudicial killing sa ilalim ng drug war ni former President Rodrigo Duterte… it is very clear case of cyberlibel,” pahayag ni Go.
“During that time the Quad Committee in Congress was investigating the war on drugs the alleged extra judicial killing that happened during the time of former President Rodrigo Roa Duterte…so ini-impute nila ang aking kliyente bilang one of the people who operated that time but in fact up to this day ay wala pong kasong naisasampa laban sa aking kliyente, whether homicide or murder,” bulalas ng abogado. (LILY REYES)
